About Me

My photo
Pueblo de San Jose del Monte, Metro Este Bulacan
Isang San Joseno sa isip, sa salita at sa gawa, na patuloy na naghahanap ng kasagutan sa nakaraan ng minamahal niyang bayan. Bukod sa pakikipaglaban para mabuhay, ipinaglalaban din ang kasaysayan, kultura at kalikasan ng San Jose del Monte (sa pamamagitan ng panulat). Nalibot na ang 59 na barangay ng San Jose. Bukod sa sariling bayan, interesado rin sa Bulacan bilang isang lalawigan. Narating na ang Marilaw, Meykawayan, Obando, Santa Maria, Norzagaray, Angat, Bulakan, Hagonoy, Paombong, Pandi, San Miguel de Mayumo, San Rafael (Camansi), San Ildefonso, Plaridel (Quingua), Balagtas (Bigaa), Malolos (kabilang na ang mga dating bayan ng Sta. Ysabel at Barasoain), Angat, Pulilan (San Isidro), Bustos, Guiguinto, Bukawe, Calumpit at Donya Remedios Trinidad. Narating na rin maging ang Lunsod ng Valenzuela (Polo) na dati ring sakop ng Bulacan. Isang San Joseno. Isang Bulakenyo.

Monday, January 21, 2013

Ang Ebolusyon ng mga Bayan at Lungsod ng Lalawigan ng Bulacan



R.R. Jaime (Updated: August 2, 2017)

Sa ngayon, ang lalawigan ng Bulakan ay binubuo ng 21 bayan at 3 lungsod. Ang Marilaw, Obando, Santa Maria, Norzagaray, Angat, Bulakan, Hagonoy, Paombong, Pandi, San Miguel, San Rafael, San Ildefonso, Plaridel, Balagtas, Angat, Pulilan, Bustos, Guiguinto, Bukawe, Calumpit at Doña Remedios Trinidad ang bumubuo sa 21 bayan samantalang San Jose del Monte, Malolos at Meycauayan naman ang 3 lungsod.

Ngunit hindi laging ganito ang katayuan ng Lalawigan ng Bulacan. May mga pagkakataon o panahon na naging napakalawak ng sakop niya at may mga panahon din namang tunay na isa lamang siyang maliit na lalawigan. May panahong lumiit ang bilang na kanyang mga bayan at may panahong lumaki rin naman ito hanggang sa marating nga ang kasalukuyang bilang ng mga bayang mayroon ngayon.

Hindi malinaw kung kailan ang mismong petsa na aktuwal na naitatag ang Bulacan ngunit masasabi na isa itong matandang pamayanan. Sa isang aklat na inilimbag ng Center for Bulacan Studies noong 2010, ang "La Primera Provincia : Mga Tinipong Papel Hinggil sa Pagkakatatag ng Lalawigan ng Bulacan", tinalakay ang mga posibleng petsa ng pagiging probinsya ng Bulacan ngunit hindi rin ito nai-establish sapagkat walang nakitang opisyal na dokumentong magiging sandigan nito.

1500’s – 1600

Sa pagsasara ng ika-labing-anim na siglo (at pagpasok ng 1600), anim nang bayan ng magiging lalawigan ng Bulacan ang naitatag: Calumpit (1572), Bulakan (1578), Meycauayan (1578), Malolos (1580), Hagonoy (1580), at Bigaa (1596). 

1600’s-1700

Kauna-unahang bayan ng Bulacan na naitatag sa pagpasok ng siglong ito ay ang Quingua nang ang buong encomiendang sakop nito ay maitatatag bilang isang pueblo noong 1602. 

Ang kauna-unahang pagkakahati naman ng Meycauayan ay naganap noong 1606 nang ihinawalay ang Bocaue mula rito at itatag bilang bagong parokya at pueblo.  Taong 1619 nang ang mga lugar sa kanlurang bahagi ng Malolos ay buuin at itatag bilang bayan ng Paombong.  Naganap naman ang ikalawang pagkakahati ng Meycauayan ng humiwalay mula rito ang barrio Catanghalan at itatag bilang bagong bayan ng Polo.

Sa pagsasarbey na isinagawa ni Miguel de Loarca sa sa mga pamayanang may malalaking populasyon noong 1582-83 ay mababanggit na ang pamayanan ng Guiguinto bagaman magiging isang legal na bagong tatag na pueblo lamang ito sa pagdating ng taong 1641.

Sa pagdating naman ng taong 1683, ang bayan ng Angat ay itinatag mula sa mga barrio at sitio sa silangang bahagi ng bayan ng Quingua.

Sa pagsasara ng ika-17 siglo (at pagpasok ng 1700), may 12 bayan na ang lalawigan: Bulakan, Meycauayan, Malolos, Bigaa (Balagtas), Quingua (Plaridel), Bocaue, Paombong, Polo (Valenzuela City), Guiguinto, Calumpit, Hagonoy at Angat.

1700’s - 1800

Pagpasok ng 1700’s, ilang mga bayan pa ang nadagdag sa lalawigan. Ang bayan ng San Miguel de Mayumo ay naitatag noong 1725, na sinundan naman ng Baliwag noong 1732, at San Isidro (na paglaon ay tatawaging Pulilan) noong 1749.

Naitatag naman ang San Rafael noong 1750 at pagkaraan ng isang taon lamang ay itinatag ang San Jose del Monte bilang hiwalay na parokya mula sa Meycauayan at isang taon pa ay itatag naman itong nagsasariling bayan (1752).

Pagdating ng taong 1753, ang barrio ng Obando ay hihiwalay mula sa Polo at magiging isang nagsasariling bayan. Sa huling dekada ng 1700’s ay dalawang bayan pa ang maitatatag: Santa Maria de Pandi (1792) mula sa Bocaue at Marilao (1796) mula sa Meycauayan.

Sa pagsasara ng 1700’s (at pagpasok ng 1800), ang bilang ng bayan ng Bulacan ay magiging 20 na: Bulakan, Meycauayan, Malolos, Bigaa (Balagtas), Quingua (Plaridel), Bocaue, Paombong, Polo (Valenzuela City), Guiguinto, Calumpit, Hagonoy, Angat, San Miguel de Mayumo, Baliwag, San Isidro, San Rafael, San Jose del Monte, Obando, Santa Maria de Pandi, at Marilao. 

1800’s - 1900

Kauna-unahang bayan ng Bulacan na itinatag sa siglong ito ay ang Novaliches, na binubuo ng mga Hacienda ng Tala at Piedad at humiwalay sa bayan ng Polo noong 1855. Pagdating ng taong 1858, tatangalin na ang Novaliches sa Bulacan at isasailalim na sa bagong tatag na Lalawigan ng Maynila. 

Taong 1859 naman nang itatag ang mga bayan ng Barasoain at Santa Ysabel mula sa bayan ng Malolos. Ang bayan ng Norzagaray ay itinatag noong 1860, mula sa Sitio Casay at Matictic ng Angat at iba pang bahagi ng hilagang silangang San Jose del Monte tulad ng Ipo. Ang Bustos naman ay itinatag nong 1867, mula sa bayan ng Baliwag. Ang pinakahuling bayan ng Bulakan na naitatag sa loob ng daantaong ito ay ang San Ildefonso noong 1875.


Sa pagtatapos ng 1800’s (at pagpasok ng 1900), ang mga bayan ng Bulakan ay magiging 25 na : Bulakan, Meycauayan, Malolos, Bigaa (Balagtas), Quingua (Plaridel), Bocaue, Paombong, Polo (Valenzuela City), Guiguinto, Calumpit, Hagonoy, Angat, San Rafael, San Jose del Monte, Obando, Santa Maria de Pandi, Marilao, Baliuag, San Isidro, San Miguel, Barasoain, Santa Ysabel, Norzagaray, Bustos, at San Yldefonso.

1900’s – Kasalukuyan

Ang pagpasok ng daantaong ito ay magdudulot ng dagdag na pagbabago sa nasasakupan ng lalawigan ng Bulakan. Ang umano’y “pagkatalo” ng Espanya sa Amerika ay naging dahilan upang ang Pilipinas ay mapasakamay ng mga bagong mananakop.

Unang-unang isinagawa ng mga Amerikano ng lubusan na nilang makuha ang Pilipinas ay ang reorganisasyong politikal. Ang Philippine Commision na siyang tumatayong lehislatibo ng pamahalaang militar sa Pilipinas noong mga unang taon ng pamamahala ng mga Amerikano sa bansa ay nagpasa ng batas, ang Act No. 932, na nagsasaad na ang 25 munisipalidad ng Bulacan ay gagawin na lamang 13 noong October 8, 1903. Dahil sa mahinang ekonomiya at kapos na pondo, ang mga bayan ng Sta. Isabel at Barasoain ay napasailalim ng Malolos; ang Pulilan ay napasailalim sa Quingua (Plaridel ngaun); ang Marilao sa ilalim ng Meycauayan; Norzagaray sa Angat; Guiguinto sa Bulacan; Bigaa (Balagtas ngayon) sa Bocaue; Obando sa Polo (Valenzuela City ngayon); San Jose sa Santa Maria; San Ildefonso sa San Miguel; at ang mga bayan ng San Rafael at Bustos sa Baliuag. Tanging ang mga bayan lamang ng Hagonoy, Calumpit at Paombong ang hindi binago ang katayuan ng nasabing batas. Dahil din sa nasabing batas, ang Bayan ng Novaliches ay muling naging bahagi ng lalawigan ng Tondo kung saan siya ay isinanib sa bayan ng Caloocan.

Ngunit pagkaraan naman ng ilang taon lang hanggang dekada ’20, isa-isa ring muling magsasarili ang mga bayang ipinasailalim muna sa iba pang bayan : Obando at San Rafael noong 1907; Norzagaray, 1908; Pulilan at San Ildefonso, 1909; Bigaa, 1912; Marilao at Guiguinto, 1915; Bustos, 1917; at SJDM, 1918. Maliban sa Santa Ysabel at Barasoain na hindi na muli pang naging muling nagsasariling bayan, lahat ng iba pa ay nakabalik rin sa dati nilang mga estado bilang mga bayan.

Pagdating ng 1946, ang bayan ng Pandi ay binuo mula sa mga hilagang barrio ng Bigaa. Taong 1960 nang mula sa Polo ay humiwalay ang Valenzuela ngunit pagkalipas lamang ng 3 taon ay muli silang pinagsanib upang gawing Valenzuela. Taong 1975 ng humiwalay ang Valenzuela sa Bulacan at naging bahagi ng Metro Manila. Taong 1977 nang buuin ang Doña Remedios Trinidad mula sa mga barriong dati ay sakop ng mga bayan ng San Miguel, Angat at Norzagaray.

Sa huling bahagi ng 1990’s hanggang unang bahagi ng 2000’s, nagkaroon ng pagbabagong estadong pulitikal ang 3 sa mga bayan ng Bulacan.

Taong 1999 nang ipasa ang batas na nagdedeklara sa Malolos bilang isang syudad ngunit hindi ito sinang-ayunan ng mga botante sa plebisitong isinagawa nang taon ding iyon. Pagdating ng taong 2001, napatunayan na nagkaroon ng dayaan sa bilangan at idineklarang nanalo ang “YES”. Taong 2001 nang magsimulang mag-function ang Malolos bilang isang lungsod.

Taong 2000 naman nang ang bayan ng San Jose del Monte ay maging lungsod na sinundan naman ng Meycauayan na naging lungsod noong taong 2006, limang taon pagkaraang hindi magtagumpay ang unang subok na maging syudad noong 2001.

Pagpasok ng ika-21 siglo, ang Bulacan ay mayroon nang 21 bayan at 3 lungsod na maaari pang magbago sa mga susunod na panahon. Sa patuloy na pag-unlad at paglaki ng populasyon ng mga bayan sa Bulacan, hindi malayong bagong bayan na naman ang maitatag mula sa mga naglalakihang bayan pa sa hilaga at silangang bahagi ng lalawigan tulad ng San Miguel, Doña Remedios Trinidad at Norzagaray; at mula sa ilan pang hindi naman kalakihang mga bayan ngunit mayroon namang lubhang malaking bilang ng mamamayan tulad ng Santa Maria, Malolos at San Jose del Monte.




Sanggunian:

Veneracion, J. B. (1986). Kasaysayan ng Bulacan. Kolonya, Alemanya: Bahay Saliksikan ng Kasaysayan.

Crisostomo, A. dR. (2010). La Primera Provincia : mga Tinipong Papel ... ng Bulacan. Malolos : Center for Bulacan Studies.
De Huerta, F. (1865). Estado Heografico, Topografico, Estadistico, Historico, Religioso... Binondo, Maynila: Imprenta de M. Sanchez Y Compania.
Pambansang Sinupan
Luther Parker Collection (UP Main Library, Media Services Section)
Iba pang sanggunian...

Tuesday, October 16, 2012

Top 20 Liveable Philippine Cities of 2012*

Here is an excerpt of the study posted in iKwaderno about the top 20 liveable cities in the Philippines. according to the study: 

This study considered all the 122 cities of the Philippines – has undergone thorough research and gathering of data and analysis. The methodology used to determine the liveability of each city was based but not totally on the European Intelligence Unit procedure. Like the EIU, the concept of this study was to determine which locations in the Philippines provide the “best living conditions”. Five broad categories were considered for the computation and this are: Stability (25%), Culture and Environment (25%), Healthcare (20%), Education (10%) and Infrastructure (20%). Each category contains indicators, and we included as many as possible, to make the computed data more solid. Aside from the EIU provided indicators, (which can be viewed in their website) we also added the following into consideration: financial performance, population density, availability of public and private hospitals, availability and quality of public health service, environmental conditions, availability of sports and development programs, calamity-safety index, tourist attractions, cultural and commercial ties, availability of public and private educational sectors including their performances.

Quantitative variables came from the external data sources which were based from the reports released by the following government agencies: National Statistics Office, Philippine Statistical Coordination Board, IPRSD – Planning Service of DPWH, PAG-ASA, Philippine Volcanology and Seismology, Department of Education, Bureau of Secondary Education of Dep-Ed, Professional Regulation Commission and the Commission on Audit. As much as possible, qualitative aspects that requires polls and interviews were given with statistical counterpart to quantify the required indicator.


Top 20 Liveable Philippine Cities of 2012
1. Bacolod City – 85.183
2. Davao City – 84.804
3. Marikina City – 84.323
4. Makati City – 83.874
5. Manila – 83. 345
6. Puerto Princesa City – 83.030
7. Cebu City – 83.004
8. Baguio City – 82.900
9. Quezon City – 82.827
10. Zamboanga City – 82.740
11. Iloilo City – 82.564
12. Olongapo City – 82.483
13. Naga City – 82.390
14. Angeles City – 82.173
15. Ormoc City – 82.085
16. Batangas City – 81.914
17. Santa Rosa City – 81.911
18. Muntinlupa City – 81.868
19. Tagaytay City – 81.663
20 . Tagum City - 80.657
In the same study, San Jose del Monte ranks 41st (the only Bulacan city to enter the top 50), out of 122 cities of the Philippines. Because only the top 20 was posted and released, I have to ask the author of iKwaderno what is the exact ranking of San Jose del Monte and fortunately, he answered my question.

San Jose del Monte still has much to do to improve its ranking. The quality of life of San Josenyos is still not the best but the local government is actually doing good in improving it. San Jose del Monte still lacks infrastructure and the economy is not soaring (but is in stable condition) but lays its strength in education, provision of good health services and barangay-based industry and livelihood programs. 

I hope San Jose del Monte, together with all the cities of the Philippines, the municipalities, the countryside and even the most far-flung areas in our country, will all be liveable and be able to offer the best of life  in the future. I would be the happiest when that time comes.

*Disclaimer : As what has been posted  in iKwaderno, this is the result of a private study done for completion of requirements for a term paper and was posted and shared only in the said blog.


Thursday, June 21, 2012

Tuklasin ang Ganda ng San Jose del Monte







Ipinakikita ng video na ito ang ganda ng pasyalan sa San Jose del Monte at bayan ng San Rafael sa Bulacan.

Thursday, May 31, 2012

Barangay Profile : Gumaoc


Populasyon   :    Gumaoc East (4,533); Gumaoc Central (3,392); Gumaoc West (6,915)
Lokasyon     :    Hilaga (Francisco Homes-Yakal; Francisco Homes-Mulawin)
                          Hilagang Silangan (Sto. Cristo)
                          Silangan (Tungkong Mangga)
                          Timog (Maharlika, Graceville, Gaya-Gaya)
                          Kanluran (Gaya-gaya)
           
Isa lamang sitio ng Gaya-gaya noon ang Gumaoc na ihinihiwalay ng isang mahabang sapa mula sa nauna. Sa kabilang bahagi naman ay may sapa ring humihiwalay sa sitio mula sa nayon ng noo’y buo pang Sto. Cristo. Ito ang noo’y pinaka hilagang bahagi ng Gaya-gaya na humahangga sa nayon ng Sto. Cristo. Sinasabi ng mga matagal nang nakatira dito na humiwalay daw ang Gumaok bilang isang buong barangay sa Gaya-gaya bago ito naging 3 barangay ngunit walang dokumento ang sumusuporta dito.  Ayon sa opisyal na dokumento (R.A. 337) nang ang Gumaoc ay humiwalay sa Gaya-gaya noong 1991, hinati-hati pa ito sa tatlong barangay: ang Gumaoc East, Gumaoc West, Gumaoc Central.

Ang Gumaok noo’y tinatawag na Liberty Farms na napasailalim ng National Housing Authority (NHA) at pinamahalaan ng naturang ahensiya bilang Liberty Farms Upgrading Project (LFUP), isang resettlement area. Bagaman sinasabing isang resettlement area, iba ang karanasan ng Gumaok kung ikukumpara sa Sapang Palay. Karamihan sa mga nakatira ngaun dito ay kamag-anakan ng mga naghawan at nagbantay sa mga lupa sa Gumaok. Hindi ito katulad ng sa Sapang Palay kung saan ang mga informal settlers ay sabay sabay (o batch per batch) na ipinadala sa lugar ng pamahalaan.

Bakit tinawag na Gumaok ang Gumaok?

Noong una ay walang pangalan ang sityong matatagpuan sa kabilang ibayo ng sapang nasa hilaga ng noon ay nayon ng Gaya-gaya. Sinasabing ang lupang ito ay pag-aari ng isang Kastilang nagpatanim sa lugar ng maraming puno ng goma bilang kanyang kalakal sa Maynila.

Isang umaga ay nagising ang Kastila na nag-iisip kung ano kayang magandang itawag sa kanyang pag-aaring lupain. Habang nag-iisip ay napatingin siya sa isang puno ng goma kung saan isang tumitilaok na manok ang nakahapo. Habang naiisip niya ang salitang goma na siya sana niyang nais ipangalan sa lugar dahil sa pagkakaroon ng maraming puno ng goma sa lugar ay tumilaok nang tumilaok ang manok.... ok!ok!ok! ang narinig na kataga ng Kastila, napagpasiyahan niya na idugtong ang katagang “ok” sa salitang “goma” para maging Gumaok ang pangalan ng lugar

Mula nang ipamalita ng Kastila na tatawagin nang Gumaok ang lupain na kanyang pag-aari ay tinawag na nga ito sa ganoong pangalan ng mga tao na nagpapatuloy magpasahanggang ngayon.

Kasalukuyang Gumaoc

Maliit mang lugar ay mataas ang densidad ng populasyon ng Gumaok kaya hati pa ito sa 3 barangay. Gayunpaman, sa mga unang taon ng pag-e-exist nito bilang 3 magkakahiwalay na barangay, magkakakilala pa rin ang mga tao at patuloy ang pakikipag-ugnayan sa isa’t isa.

Barangay Hall : Gumaoc Central

Barangay Hall : Gumaoc West

Barangay Hall : Gumaoc East
Gumaok Elementary School
Karamihan sa mga taga-Gumaok ay sa eskwelahang ito nagtapos ng elementarya. Bago buksan ang eskwelahang ito, ang mga taga-Gumaok ay nag-aaral sa Tungkong Mangga Elementary School o kaya naman sa Gaya-gaya Elementary School.

Our Lady of Fatima Chapel
 Lumang simbahan ng buong Gumaok hanggang 2009. Matatagpuan sa Gumaoc Central. Pagkaraan ng 2009 ay nagkaroon na ng sariling mga chapel ang Gumaoc East at Gumaoc West. Nasa ilalim ito ng Parokya ni San Pedro Apostol.

Our Lady of Immaculate Concepcion Chapel
Gumaoc West
Silhouette ng Chapel ng Gumaoc East
Loob ng simbahan ng Gumaoc East

Mini-CBD ng Gumaoc East



Waiting Shed sa Kanto ng Gumaok


Quirino Highway, Kanto ng Gumaok



Thursday, May 17, 2012

Barangay Profile : Gaya-gaya


Population :  13,727
Lokasyon  :  Hilaga (Gumaok, malaking bahagi; Yakal; Poblacion)
                   Kanluran (Muzon)
                   Silangan (Graceville)
                   Timog (Caloocan)

Ilang kilalang mga Sitio : Pakulis, Tubigan

Isa ang Gaya-gaya sa mga pinakamalaking barangay ng San Jose del Monte bago ito mahati-hati sa maraming barangay. Dati nitong nasasakop ang Graceville, Gumaoc East, Gumaoc Central, Gumaoc West at Tungkong Mangga (kasama na ang mga barangay ngayon na dating sakop ng Tungkong Mangga : San Manuel, Maharlika, Ciudad Real),

Unang lumiit ang Gaya-gaya nang humiwalay mula rito ang Tungkong Mangga noong 1967. Noong 1991 naman ay muli itong nahati at mula rito ay humiwalay ang mga barangay ng  Graceville, Gumaoc East, Gumaoc Central at Gumaoc West.

Sa ngayon, bagaman malaki pa rin ang nasasakop na lupain, ang Gaya-gaya ay isa sa mga barangay ng San Jose del Monte na nagtataglay ng manipis na densidad ng populasyon dahil maliit ang populasyon nito kumpara sa laki ng sakop nito.

Paano naging Gaya-gaya ang pangalan ng Gaya-gaya?

Kilala ang barangay na ito noon bilang Pintong Sapang. Gayon ang ngalan sapagkat noong araw ay may isang burol na di kalayuan sa kinatatayuan ng kapilyang katoliko ngayon na may kulumpon ng malalaking punong sapang na kung pagmamasdan mula sa malayo ay waring lagusan o pinto.

Ang Pintong Sapang noon ay pinamumunuan ng isang sarhento ng mga guardia civil. Kilala ang sarhentong ito bilang si Senyor Constantino. May maliit na kampamento ang mga kastila sa nayong ito upang magtanod sapagkat ito ang ginagawang daan ng mga tulisan na nagmumula sa kabundukan ng Tungkong Mangga.

Bago dumating si Senyor Constantino, ang mga naninirahan sa Pintong Sapang ay gumon sa bisyo tulad ng pagsusugal at pag-inom na alak. Pinilit ni Senyor Constantino na baguhin ang mga gawing ito ng mga tao. Masigasig niyang itinuro sa mga magkakanayon ang matuwid na landas ng pamumuhay. Nagpakita siya ng mga magagandang halimbawa. Di naglaon ay nagtagumpay siya at tinularan na siya ng mga taga Pintong-Sapang. Dahil alam na ng mga tao ang masama sa mabuti, napamahal ang sarhento sa mga mamamayan.

Sinasabing sa gulang na 52 ay pumanaw na si Senyor Constantino. Labis na dinamdam ng mga taga-Pintong Sapang ang kanyang pagkamatay kaya’t nangako silang lahat na lahat ng ipinakita nitong kabutihan ay gagayahin nila.

Mula noon, kapag may nagawing estranghero sa lugar na ito, una niyang napupuna ay ang magkakatulad na gawain ng mga tao. Kung ang estranghero ay may bagong magagandang gawaing ipinakikita sa mga tao, tiyak na gagayahin ito ng mga taga Pintong Sapang kung kaya naman masasambit niya ang mga katagang “gaya-gaya” sa pagiging gaya- gaya ng mga tao rito.

Dahil doon, nakapit na ang pangalang “gaya-gaya” sa pook at hindi na ito tinawag na Pintong Sapang. Ang pangalang “Gaya-gaya” ay nagsilbi nang pagbuhay sa ala-ala ng kadakilaan ni Senyor Constantino na siyang unang pinag-gayahan nila at nagpamulat sa kanila ng tamang paraan ng pamumuhay.

Kasalukuyang Gaya-Gaya

Sa kasalukuyan, isa ang Gaya-gaya sa mga matatawag na hindi gaanong urbanisadong bahagi ng lunsod. Kakaunting establisimyento lamang ang matatagpuan dito ngayun. Maituturing na isang residensyal na barangay ang Gaya-gaya sapagkat karamihan ng nakatayo dito ay mga bahay ng mga old tenant o mga nakabili ng bahay sa subdibisyon o yaong mga relocatees.

Sa barriong ito matatagpuan ang Gaya-gaya Elementary School, ang matagal na nagsilbing mababang paaralan ng Gaya-gaya at ng iba pang sitio at ngayun ay mga barangay nang tulad ng Gumaoc (East, Central at West), Graceville at Tungkong Mangga nung wala pang mga sariling paaralan ang mga huli.

Naririto rin ang napakalaking bahay sambahan ng Iglesia ng Dios kay Cristo Jesus na matatagpuan malapit na sa Sitio Pakulis, sa likod (at gilid) ng Christian Ecclesiastical School.

Sunday, May 13, 2012

Barangay Profile : Tungkong Mangga

Populasyon : 10, 260
Lokasyon :  Timog (San Manuel, Ciudad Real)
                  Silangan (Graceville)
                  Kanluran (Ciudad Real)
                  Hilaga (Maharlika, Gumaok, Sto Cristo)

Ang barangay na ito ay dating sitio ng Gaya-gaya. Nang humiwalay ito sa Gaya-gaya noong 1967 ay naging sakop rin nito ang mga ngayon ay barangay ng San Manuel, Maharlika at Ciudad Real.

Ang pook na ito ay may malawak na lupaing gulod-gulod na halos ay pawang kugunan at talahiban noong una. Ito ay humigit – kumulang sa 30 kilometro Hilagang-Silangang ng Maynila at may pitong kilometro mula sa kabayanan ng San Jose.

Paano nakuha ng Tungkong Mangga ang pangalan niya?

Bago pa man humiwalay ang Tungkong Mangga sa Gaya-gaya ay Tungkong Mangga na talaga ang pangalan nito. Nagmula ito sa tatlong puno ng mangga na nakatungko sa bukana ng Gaya-gaya na madadaan ng isang manlalakbay kung manggagaling siya  sa Tungkong Mangga.

Noong araw, ang tatlong nakatungkong manggang ito ay nagsisilbing pahingahan ng mga nagkakaingin at nagdadalatan sa kanilang maghapong paggawa. Ang mga manlalakbay ay nagpapahinga rin dito palibhasa’y malilim at kaaya-aya ang mga tanawin sa kapaligiran.

Minsan, isang grupo ng mga agrimensor o taga-sukat ng lupa ang napadpad sa lugar kung saan nakatanim ang tatlong tungkong mangga. Sa sobrang init ng araw na iyon ay napagpasiyahan nilang magpahinga sa ilalim ng tatlong nakatungkong mangga. Sapagkat nagustuhan nila ang mismong lugar na kanilang pinagpahingahan ay ginawa nila itong palatandaan.  Tinawag nila ang lugar na katatagpuan ng tatlong nakatungkong mangga na Tungkong Mangga. Mula noon, nakilala na ang Tungkong Mangga na sinabing nakasasakop sa mismong lugar kung saan matatagpuan ang tatlong nakatungkong mangga at lahat ng lugar pasilangan galing sa Gaya-gaya. 

Tungkong Mangga sa Kasaysayan

Dahil ang Tungkong Mangga ay nagsisilbing pintuan ng San Jose del Monte mula sa Caloocan, Montalban at Novaliches, malaki ang ginampanan nitong papel hindi lamang sa kasaysayan ng San Jose del Monte kundi maging ng kasaysayan ng buong Pilipinas.

Sa panahon ng digmaan laban sa mga Kastila, ang kabundukan ng Tungkong Mangga ay naging tanggulan ng Katipunan. Sa katunayan, isang balangay ng Katipunan ang nagbabantay sa tanggulang ito sa ilalim ng pamamahala ni Gat Andres Bonifacio. Kilala ang Balangay na ito bilang Balangay ________ (malalaman paglabas ng aklat na sinusulat ko.. :))

Mapa ng Bulakan na nagpapakita sa iba't-ibang lugar kung saan naging aktibo ang Katipunan (matatagpuan sa Casa Real, Malolos)

Detalye ng mapa sa taas na nagpapakita sa Tungkong Mangga

Sa panahon naman ng digmaang Pilipino-Amerikano, ang Tungkong Mangga ay naging daanan ng mga sundalong Amerikano na humahabol kina Aguinaldo na papatakas papunta sa San Miguel de Mayumo.

Ang tulay na umano'y dinaanan nina Aguinaldo

Sa panahon naman ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagmistulang isang "little Tokyo" ang Tungkong Mangga sapagkat narito ang konsentrasyon ng aktibidad ng mga sundalong Hapones na siyang kalaban ng mga guerilyerong San Joseno at Novaleno. 

(ang iba pang detalye ay matatagpuan sa aklat na isinusulat ko... :)

Kasalukuyang Tungkong Mangga


Sa pagdating ng kasalukuyang panahon, makikita ang tuloy tuloy na pag-unlad ng Tungkong Mangga. Mula sa isang natutulog na barrio ay isa na ito sa mga pinakamauunlad na bahagi ng San Jose del Monte. Matatagpuan dito ngaun ang iba't ibang bangko (kaya itinuturing siyang financial district ng San Jose del Monte), pamilihan, kainan at iba pang establisimyentong pang-komersyo. 

Isang bahagi ng Tungkong Mangga
 (photo credit : nagmula sa Wikipedia, pag-aari ni Ramz Trinidad)


Gilid ng Simbahan ng Tungkong Mangga
(photo credit : Bernadette Sueno)

Retablo ng Simbahan ng Tungkong Mangga
(photo credit : Bernadette Sueno)

Errata: Ang "Gumaok" na matatagpuang nakasulat na address sa ilalim ng mga larawan ng Simbahan ng Tungkong Mangga ay isang hindi sinasadyang pagkakamali)


Sanggunian :

Batislaong, B & Aceron, C. (1991). Kalipunan ng Mahahalagang Tala ng San Jose 
             del Monte West. Hindi nailimbag na material.
National Statistics Office (NSO) (2011). 2010 Census of Population and Housing : Bulacan
             Government document.

Wikipedia : 



NEXT POST : Gaya-gaya



Wednesday, May 2, 2012

Ang Pinagmulan ng Pangalang San Jose del Monte

R. R. Jaime 

Ang San Jose del Monte ay isang papaunlad pa lamang na lungsod na matatagpuan sa pinakadulong timog silangan ng Bulacan. Itinatag ito noong 1752, panahon pa ng mga Kastila, bilang isang nagsasariling bayan na hiwalay sa bayang dating nakasasakop dito, ang Meycauayan. Mas matanda ito kung ikukumpara sa iba pang bayan ng Bulacan.

Ang San Jose del Monte rin ang maituturing na kauna-unahang lungsod ng lalawigan ng Bulacan nang maging lungsod ito noong 2001, una pa sa mga lungsod ng Malolos at Meycauayan. Ang pangalan ng lungsod ay isinunod sa patron ng bayan, si San Jose Ang Manggagawa. Idinugtong ang “del Monte” na siyang naglalarawan ng topograpiya ng lugar: kabundukan.

Bust of Saint Joseph and Family
St. Joseph the Worker Parish Church, San Jose del Monte

Views of Mountains of Sierra Madre from Mt. Balagbag
Photo credits to :  http://thebackpackersadventures.blogspot.com/

 Ang panahon kung kailan naitatag ang bayan ay panahon din kung kailan lubusan nang napasailalaim ng mga Kastila ang Pilipinas at lubusan na ring naipakalat ang Kristiyanismo. Ayon kay Veneracion (1986), nakasabay ang San Jose sa trend noon ng pagpapangalan ng mga bayan sa Bulacan sa mga santo’t santa. Ilang mga halimbawang ibinigay niyang tumutugon sa trend na ito ay ang mga bayan ng Sta. Maria, San Isidro, Sta. Ysabel (sakop na ngayon ng Malolos), San Rafel, San Ildefonso at San Miguel.

Sinasabi mang dahil sa trend kung kaya patrong santo ng bayan ang ipinangalan sa lugar, may isang kuwentong naglalahad ng umano’y tunay na dahilan ng pagpapangalan ng San Jose sa lugar. Ito ay ang sumusunod na kuwento:

Noong panahon ng mga Kastila, ang tinatawag na San Jose del Monte sa ngayon ay isa lamang malawak na kagubatan. Ang lugar ay ginagawang kuhanan ng mga malalaking batong ginagamit sa paggawa ng mga simbahan sa Maynila at sa iba pang lugar. Marami rin nangunguha ng troso sa lugar dahil maraming magagandang uri ng punongkahoy ang dito’y matatagpuan.

Isang araw, may isang magto-troso ang umakyat sa bundok. Nag-iisa lamang siya at walang katulong kung kaya’t hindi siya nagtangkang pumutol ng mga malalaking puno. Humanap siya ng mas maliliit na puno na kakayanin niyang mag-isang putulin. Habang naghahanap siya ay pasukal ng pasukal na ang dinadaanan niyang lugar. Malapit nang magdilim nang mapansin niyang naliligaw na siya at hindi mahanap ang daan pauwi, idagdag pa rito ang hindi niya pagkakatagpo ng punong kaya niyang putulin mag-isa lamang. Dahil mag-gagabi na at naaalala niya ang mga kuwento ukol sa mga lamang-lupa na pinagkakatuwaan ang mga pumapasok sa gubat, nagdasal siya ng nagdasal hanggang makakita siya na isang maliwanag na bagay sa kanyang daraanan. Nilapitan niya ang nagliliwanag na bagay at nakita niyang ito ay isang rebulto ng santo! Kinuha niya ang rebulto at pagkakuha niya dito ay parang himala na bigla niyang nalaman ang daan pauwi.

Pagdating sa kabayanan ng Meycauayan ay agad-agad ipinakita ng magto-troso ang rebulto sa kura paroko at doon niya napag-alaman na ito ay rebulto ni San Jose ang Manggagawa. Nagpasama ang kura sa magto-troso sa lugar na kinatagpuan ng rebulto at nilagyan nila ang lugar ng pananda. Tinawag nila ang lugar na “San Jose del Monte” o “Si San Jose ng Kabundukan”. Mula noon, marami nang tao ang pumunta sa lugar at doon na namalagi sapagkat ayon sa kanila ay pinagpala ang lugar na kinatagpuan ng rebulto. Dahil sa pagdami ng tao roon, dumating rin ang panahon kung kailan ginawa nang visita ng Meycauayan ang San Jose del Monte at noong 1752 nga ay tuluyan nang naging nagsasariling bayan.

Mga Sanggunian :

Veneracion, J. B. (1986). Kasaysayan ng Bulacan. Kolonya, Alemanya: Bahay Saliksikan ng Kasaysayan
Batislaong, B & Aceron, C. (1991). Kalipunan ng Mahahalagang Tala ng San Jose del Monte West. Hindi nailimbag na material.

Monday, April 30, 2012

San Jose del Monte : Population from 1903 - 2010

Narito naman ang populasyon ng San Jose del Monte mula 1903 hanggang 2010. Ang lahat ng data ay nagmula sa mga opisyal na senso : 1903,1918,1939, 1948 (Commonwealth Government Census) at 1960,1970,1975,1990,1995,2000,2010 (National Statistics Office).


Mapapansin ang biglang paglobo ng populasyon ng bayan mula 1960. Kung ikukumpara sa mga senso noong panahon ng mga Kastila, masyadong iba ang iregularidad ng pagtaas ng populasyon sa mga panahong ito. 

Pagdating ng taong 2010, San Jose del Monte na ang may pinakamalaking populasyon sa lahat ng mga lungsod sa Rehiyon 3 at ika-19 naman sa lahat ng lungsod sa buong Pilipinas.  

San Jose del Monte : Population during Spanish Occupation

Medyo mahirap saliksikin ang mga bagay na may kinalaman sa San Jose del Monte lalong lalo na iyong sa mga panahon ng Kastila ngunit kapag binigyan naman ng panahon ay tunay na may makukuha pala.

Narito ang populasyon ng San Jose del Monte sa iba't ibang taon noong mga panahong ang Pilipinas ay sakop pa ng Espanya. Nagmula ito sa iba't ibang aklat na Kastila, Spanish gov't documents at iba't ibang lumang ulat.


Mapapansin na napaka-iregular ng paglaki (o pagliit) ng populasyon ng San Jose del Monte (na kilala lamang bilang "San Jose" sa mga panahong ito) sa panahon ng Kastila. Ang analisis tungkol sa iregularidad na ito ay tatalakayin sa aking isinusulat na libro.

Ang Pagkakatatag ng San Jose del Monte bilang Pueblo

Isang malaking pagkakamali ukol sa kasaysayan ng San Jose ang naitama noong taong 1995 nang pagtibayin ng Konseho ng bayan ng San Jose del Monte, ang Kapasiyahan Blg. 13-02-95 na nagbabago sa taon ng pagkakatatag ng bayan mula sa 1918 tungo sa 1752. Kasabay nito ay ang pagbabago rin ng taon sa opisyal na sagisag ng bayan noon (bago maging lunsod).


Bakit nagkaroon ng pagkakamali?


Sapagkat mula 1903 hanggang 1918, ang bayan ng San Jose del Monte ay naging bahagi ng bayan ng Sta. Maria ayon sa Act No. 932 (Oct. 8, 1903. Philippine Commission, pamahalaang Amerikano sa Pilipinas noong mga panahong iyon) na nagsasaad na ang 25 munisipalidad ng Bulacan ay gagawin na lamang 13. Nang muling magsarili ang San Jose del Monte noong 1918, ito na ang ginawang foundation date ng San Jose del Monte at sa paglipas ng panahon ay nalimutan na na ang bayang San Jose ay nag-eexist na talaga panahon pa lang ng mga Kastila. 


Sa tulong ng ilang mga nagmamalasakit na mamamayan ng San Jose del Monte ay natuklasan sa bandang huli ang tunay na taon ng pagkakatatag ng bayan kung kaya't nagkaroon nga  ng mosyon na itama ito. May mga ebidensiyang natagpuan sa Pambansang Sinupan (National Archives), partikular na ang "Erreccion de Pueblo, Bulacan" na magpapatunay dito.


Ang San Jose del Monte ay ang ika-apat sa matandang bayan na itinatag ng mga Paring Fransiskano sa lalawigan ng Bulacan: Meycauayan (1578), Bocaue (1606), Polo (1623), San Jose del Monte (1751), Obando (1753), Sta. Maria (1792), Marilao (1796).
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...